Himas-Rehas, Bihag ng Dahas: Sanaysay at mga Salaysay Tungkol sa mga Poldet na Hinuli sa Quezon (Unang Bahagi)


Quezon Poldet

Ang espesyal na seksyong ito ay laan ng Balitang BondocPen (BBP) sa mga “poldet” o political detainees ng Quezon. Ang poldet, ayon sa grupong Karapatan, ay tumutukoy sa mga taong inaresto at ibinilanggo sa gawa-gawang mga kasong kriminal dahil sa pagsusulong ng mga pampulitika nilang paniniwala. Sa kasalukuyan, ayon sa tala, mahigit nang 300 ang bilang ng mga poldet kung saan humigit-kumulang sa 16 ay hinuli sa Quezon. Karamihan sa kanila ay sadyang sinampahan ng mga karaniwang kasong gaya ng illegal possession of firearms and explosives, murder, kidnapping, arson, at iba pa.

Layunin ng paglalathalang ito ng BBP na igiit sa Malacañang, partikular kay Noynoy Aquino na anak pa naman ni Ninoy Aquino (dati ring isang detenidong pulitikal), na palayain na ang lahat ng poldet sa buong bansa. Ito ay sa kabila ng ipinangangalandakan nilang “Walang bilanggong pulitikal sa Pilipinas.” Inaasahan tuloy na ipagpapatuloy natin ang panawagan para sa hustisya, kalayaan at pagrespeto sa karapatang pantao ng mga bilanggong pulitikal sa buong bansa.

Para sa unang bahagi ng artikulong ito, itinatampok ang tatlong poldet na sina Miguela Peniero, Fidel Holanda at ang menor de edad na si Grego Guevarra.

“Palayain at lingapin ang detinidong pulitikal / Awit at panalangin sa mga naninindigan / Kadluan ng karapatan / Hindi sila kriminal / Ang buhay nila’y salamin ng mga ordinaryong mamamayan.”

—Awit ng mga Detenidong Pulitikal, The Camerawalls

May kakaibang lamig na dala ang hangin ngayong bumulaga na sa kalendaryo ang 2014. Nakakapanibago. Nanunuot sa laman. Tagos hanggang buto. Parang nagpapahiwatig. May importanteng sasabihin. Kaya mo kayang makinig? Unawain ang karanasan nilang maligalig? Ilang buwan pa lang nang mag-Pasko. Kamusta na kaya ang mga “himas-rehas” sa nakabuburyong at metro-kuwadrado nilang mundo?

illustrated by Aaron Bonette

illustrated by Aaron Bonette

Pasado alas kuwatro na ng madaling-araw nang makasakay kami sa Lucena ng bus pa-Alabang. Tatlo kami no’n; Enero, 2014. Alas nuwebe raw binubuksan ang piitan para sa mga dalaw kaya hindi na kami nagsayang ng oras at sumakay agad ng bus pasibat ng Lucena.

Ito ang pinaka-unang beses ko nang pagdalaw sa kulungan. At hindi ako handa dahil ilang araw pa lamang ang nakararaan nang impormahan ako ng kasamahan ko rito sa dyaryo na mga “Poldet” o Political Detainees mula sa Quezon na kasalukuyang nakakulong sa Camp Bagong Diwa Taguig (CBDT) ang gagawan ko ng artikulo. Lakas-loob ko na lang tinanggap ang hamon kahit nag-aalangan ako no’ng una dahil iniisip kong mahirap s’yang isulat. Wala naman kasing mawawala kung susubukan, matuto pa ko sa kanilang karanasan.

Sa bus, habang papalapit sa aming destinasyon, hindi ko mawari kung ‘kinakabahan’ o ‘excited’ ba ang nararamdaman ko. Siguro pareho. Hindi ko masigurado.

Matapos bumaba sa Metropolis (Alabang), sumakay na kami ng dyip pa-Taguig. Pagkababa naman, naglakad na lang kami pa-kampo. Sa isang karinderyang malapit, kumain muna kami bago tuluyang lumapit sa tarangkahan ng CBDT na may nandidilat na pangalan nito.

Akala namin hindi na kami makakapasok ng mga kasama ko. Nakatsinelas kasi kaming tatlo. “Bawal, mahigpit ngayon dahil may mga trainee,” sabi ng babaeng jail guard na nakasimangot. Kaya namroblema kami ng ilang segundo kung sa’n kami maghahagilap ng sapatos. Sinabi ko na lang na galing pa kaming Quezon at parang sin’werte namang sa Lucena raw s’ya nag-training kaya matapos ang kakaunting koneksyon na nakuha namin sa jail guard ay pinapasok din kami. Pero bago ‘yon, isa-isa munang tinanggal ng mga kasamahan n’yang bantay ang lahat ng laman ng bag namin. Kumakayat na pala ‘yong bukas na toothpaste sa bag ko kaya medyo nandidiring isinauli ng jail guard sa bag ko ang lahat ng laman nito. Sa huli, habang lihim akong tumatawa, inabot na sa ‘kin ‘yong medyo malaking I.D. bilang gate pass namin na may nakasulat na “visitor.” Kapalit ‘yon ng postal I.D. ko na pansamantala kong isinurender sa kanila.

Napakalawak ng loob ng CBDT at ‘di namin alam kung matatawa ba kami o maiinis—ang dami kasing nakatsinelas. Bubulung-bulong pa kami habang binabagtas ang kahabaan ng daan patungo sa una naming pakay: ang Taguig City Jail (TCJ)-Female Dorm. Medyo maaga pa pala nang dumating kami kaya mga ilang minuto muna ang inantay namin bago nakapasok sa TCJ. Do’n lang din naalala ng isa kong kasama (na naka-ilang dalaw na sa kulungan) na bawal nga pala ang nakasuot ng dilaw ‘pag dadalaw sa preso kaya pinabalik muna namin sa pinaghabilinan namin ng bag ‘yong isa pa naming kasamang aksidenteng nakasuot pala ng T-shirt na dilaw upang makapagpalit ito ng damit.

Pahigpit nang pahigpit ang umaatikabong kapkapan at bulatlatan. Sa ikatlong pagtse-tsek lang sa ‘min at sa dala-dala namin nagtapos ang lahat matapos naming akyatin sa ikaapat na palapag ang isang brigada (cell block) kung saan nasa pinakangdulo ang selda ng dadalawin namin. Do’n, sinalubong kami ng ngiti ng tatlong babaeng poldet mula sa Quezon na sina Miguela Peniero, Rhea Pareja at Gemma Carag.

Lumapit agad sa ‘min si Miguela. Kaya s’ya na ang inuna kong kapanayamin habang tumutugtog ng gitara si Gemma at nakikipagkuwentuhan naman si Rhea sa isa kong kasama.

Miguela Ocampo Peniero

Dating magsasaka at community health worker si Miguela, 47 anyos, bago s’ya hinuli ng mga sundalo dalawang taon na ang nakakaraan. Nang tanungin ko kung ano’ng birthday n’ya, “1966” lang ang sinabi n’ya kaya tatawa-tawa pa kaming nag-compute kung ilang taon na s’ya ngayon.

Ika-4 ng Pebrero, 2012 nang arestuhin s’ya sa Lopez, Quezon at dalhin sa malapit na kampo bago idineretso sa Southern Luzon Command (SOLCOM). Ika-7 naman ng Pebrero nang dalhin s’ya sa CBDT. Kuwento ni Miguela bago s’ya hinuli, papunta sana s’ya no’n sa kapatid n’ya sa Calauag, Quezon upang pag-usapan ang relyebuhan nila sa pag-aalaga ng kanilang magulang.

“‘Yong unang 24 oras ang pinakamahirap ‘pag naaresto kasi ‘di mo alam kung mabubuhay ka,” ani Miguela nang matanong ko kung anong pakiramdam n’ya nang mga panahong nasa kamay na s’ya ng mga sundalo. Nakapiring daw s’ya no’n at mga ilang oras ding hindi kinakausap ng mga ito. Tandang-tanda pa n’ya ang sinabi n’ya sa mga sundalo nang interogahin na s’ya ng mga ito: “May sakit po ako sa puso, baka ako’y mamatay. P’wede po bang makainom ng tubig?”

Sa kasalukuyan, bukod sa sinasabing 14 na gawa-gawang kasong isinampa sa kanya kung saan ilan sa mga ito ay rebelyon, destructive arson, frustrated murder, iniinda rin n’ya sa loob ng kulungan ang sakit n’yang goiter at spondylosis (isang uri ng sakit sa buto na nakakaapekto sa gulugod).

Sa ika-18 ng Pebrero ngayong taon, nakatakdang humarap sa hearing si Miguela sa ikaapat nang pagkakataon. Hindi raw dumating ‘yong complainant no’ng ikatlong pagdinig ng kanyang “kaso.”

“Gusto ko namang makalaya habang hindi pa ako iginugupo ng katandaan. Gusto ko nang makapiling ang pamilya ko. ‘Wag naman sana akong parusahan. ‘Yon yata ang kasalanan ko sa gobyerno, tumulong ako sa masa; nanggamot lang naman ako.” sabi n’ya bago naputol ang pag-uusap namin dahil lampas na kami sa oras nang pagdalaw.

Nanananghalian na halos lahat ng mga babaeng bilanggo nang putulin na ng warden ang pagbisita ng mga dumadalaw. Kalahating-araw lang pala pinapayagan ang sinumang bisita sa TCJ kaya kahit bitin, nagpaalam na kami sa mga babeng Poldet at nangakong babalik sa mga susunod na pagkakataon. Samantala, naghanda na kami papunta sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)-Special Intensive Care Area (SICA) kung saan nakakulong naman ang 13 lalaking poldet mula sa Quezon.

Tulad sa TCJ, hindi pa rin nagbubukas ang SICA nang pumunta kami ro’n pagkakain namin ng meryenda. Hindi kami nakapagtanghalian no’n kasi lalabas pa kami ng CBDT; e, ang hirap makapasok. Bago binuksan ang SICA, napansin kong dagsa ang mga babaeng naka-abaya (damit ng babaeng Muslim). Sa loob ko lang nalaman, mula sa isang poldet, na kasama rin kasi nila sa SICA ‘yong mga dinakip sa Zamboanga siege at mga Abu Sayyaf. Sabi tuloy ng isa kong kasama, “Sa bawat isandaang Muslim na nakakulong, lima lang daw do’n ang tunay na MILF.”

Bago pa kami tuluyang nakapasok sa SICA, kinunan muna kami isa-isa ng biometrics (photo, fingerprints and basic personal information). At matapos ibigay ang number na dapat naming tandaan paglabas namin at sa mga susunod naming pagdalaw, isa-isa na kaming pinapasok sa isang ga-dipang kuwarto kung saan kami kinapkapan at pinatanggal lahat ng laman ng bulsa.

Napakahigpit ng seguridad sa SICA kaya napakaimposibleng makatakas ang sinumang magbabalak na pumuga. Sa brigada sa ikaapat na palapag din kung saan matatagpuan ang selda ng mga lalaking poldet, kapansin-pansin ang pagkakaiba ng mga selda depende sa uri ng pamumuhay ng tao na nakakulong. Sa pinakaunang selda, may singkit (Intsik yata o Koreano) na may flat screen tv pang nakadikit sa pader. Kitang-kita tuloy ang napakalaking pagkakaiba ng selda ng mga ito kumpara sa mga pangkaraniwang bilanggo at poldet.

Pagpasok namin sa isa sa mga selda ng mga poldet, bumulaga agad sa bungad ang karatulang “Free All Political Prisoners!” Pinaupo agad kami sa isa sa mga higaan at pinakain bago namin sila nakapanayam. Nakakahiya man, masaya naming nilantakan ang inihain nilang ginataang kalabasa na rasyon daw nila at paksiw na isdang binili pa nila. Wala raw kasing lasa minsan ‘yong rasyong pagkain sa kanila kaya napipilitan silang magpabili sa labas. Hindi raw nasusunod minsan ‘yong nakikita naming nakasulat na menu sa bukana ng piitan.

Isa sa pinakatuwang-tuwang umistima sa ‘min ng araw na ‘yon ay si Fidel Holanda. At dahil ang dami agad naming napagkuwentuhan, siya na ang una kong ininterbyu.

Fidel Tarasona Holanda

Tulad ni Miguela, dalawang taon na ring nakapiit si Fidel, 52 anyos. Dinakip s’ya noong ika-27 ng Enero, humigit-kumulang alas-10:00 ng gabi, sa Pagbilao, Quezon, habang sakay ng kotse na minamaneho ng kasama n’ya na nagngangalang Erwen. Bigla na lang umanong hinarang ang kanilang sasakyan ng mga armadong lalaki na nagpakilalang mga pulis. Sukat noo’y sapilitan silang pinababa ng sinasakyan nila habang hila-hila s’ya sa buhok ng isa sa mga pulis. Kasunod noo’y tinutukan na sila ng baril, pinosasan sa kamay na inilagay sa kanilang likuran, at piniringan sa mata.

“Gan’to ‘yan kapag hinuli ka, bilang ka ng 12 oras, tapos 24 oras, tapos 48 oras,” payo ni Fidel.

Mula sa kampo sa Villa Prinsipe, Gumaca, Quezon, gabi ng ika-28 ng Enero, 2012 nang dalhin naman sila sa kampo ng Special Weapons and Tactics (SWAT). Nakaposas sila no’ng pinakain do’n pero tumanggi sila. Nang mag-umaga na, dinala na sila sa Lucena City Jail at ikinulong. Ilang sandali pa, may dumating umanong tao na gusto s’yang interbyuhin. Naghinala agad s’yang pakawala ito ng mga pulis kaya hindi n’ya ito kinausap. Dahil do’n, kinunan na lang umano s’ya nito ng litrato sa iba’t ibang anggulo.

Makalipas ang dalawang araw, sa Pagbilao naman umano sila ikinulong at do’n ay kinunan ulit sila ng litrato. Kulang-kulang isang buwan din silang napiit sa Pagbilao kung saan bigla na lang silang mabilisang pinaggayak isang araw (ika-28 ng Pebrero) upang dalhin sa CBDT. Bago s’ya napunta sa SICA, sa Metro Manila District Jail (MMDJ) muna sila ipiniit ng kulang sa limang buwan.

Mahirap daw sa kulungan lalo na sa katulad niyang hindi masyadong nadadalaw ng pamilya dahil mahagad sa pamasahe ang pagbisita mula sa Pitogo, Quezon kung saan s’ya nakatira. Sabi n’ya, huli pa s’yang nabisita ng pamangkin n’ya no’ng ika-22 ng Disyembre.

Nakatakdang dinggin ang kanyang kaso sa Lucena sa ika-25 ng Pebrero ngayong taon. Ilan sa mga kinakaharap n’yang mga kaso ay ang attempted murder at illegal possession of explosives. Tulad ng maraming mga poldet, kabilang sa problemang kinakaharap nila ay ang kawalan ng abogado, hindi pagdadala sa kanila sa mismong lugar sa tuwing sumasapit ang hearing, at marami pang iba.

“Tuloy lang ang laban,” nakangiting sabi sa ‘kin ni Fidel nang hingan ko s’ya ng huling mensahe.

Bago ko nakausap ang kasunod kong iinterbyuhin, binigyan ako ni Fidel ng hinabi n’yang pitaka na gawa pa sa mga kumikinang na beads. Isa raw ‘yon sa mga gawaing-selda na pinagkakaabalahan nila para labanan ang pagkabagot at pinagkakakitaan na rin para kahit pa’no ay makatulong sila sa kanilang pamilya. Ilang sandali pa, sumalang naman sa interbyu si Grego Guevarra, pero bago iyon, umaatikabong kuwentuhan muna ang naganap. Nagtimpla ng kape si Alan Jazminez, National Democratic Front of the Philippines (NDFP) for the peace talks na ilang beses nang nahuli magmula pa no’ng panahon ng Batas Militar at kasalukuyang kakosa nina Holanda at Guevarra sa SICA.

Grego Camay Guevarra

Marahil ay isa sa mga poldet na may pinakamahirap na sitwasyon ngayon ay si Grego na nagmula sa uri ng mga maralitang magsasaka at magdidisiotso pa lamang sa ika-10 ng Agosto. Ito ay dahil menor de edad pa lamang s’ya nang dakpin ng mga lasing na sundalo mula sa 74th Infantry Batallion (IB) at dahil hindi na s’ya nadadalaw sa piitan ng kanyang mga kamag-anak. Ayon sa kanya, sa San Andres, Quezon s’ya pinanganak at dalawang buwan sa unang baitang ng elementarya lamang ang inabot n’ya sa pag-aaral.

Pagbabalik-tanaw n’ya sa nangyari, sa checkpoint sa Brgy. Tayuman, San Francisco, Quezon sila nahuli noong ika-21 ng Disyembre, 2012 habang sakay ng motorsiklo na pinatatakbo ng isang nagngangalang Alex. Papunta sana silang Agdangan, Quezon para maghanapbuhay sa ulingan na pinagkakakitaan ng pamilya ng ate ni Eliseo Lopez na kaangkas rin n’ya no’n sa motorsiklo at kasama n’ya rin ngayong nakakulong sa SICA.

“‘Wag saktan, kilala ko ‘yan!” naalala pa n’yang sabi ng isang sundalo sa kampo ng mga ito sa 74th IB sa Mulanay, Quezon nang isalang na sila sa isang masusing interogasyon na inabot hanggang umaga. Nang mga panahong ‘yon ay namamayani ang ceasefire sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at New Peoples Army (NPA) kaya isang kabalintunaan ang ginawang pagdakip sa kanila dahil ang pag-aresto sa kanila ay dulot ng paghihinalang mga NPA raw sila.

Kasama sa mga gawa-gawang kasong kinakaharap ngayon ni Grego ay illegal possession of explosives at murder. Isa s’ya sa mga kinunan ng litrato na kaharap ang granada at bomba na pilit na pinaaamin ng pulis-Mulanay na dala nila nang madakip sila kahit na ang totoo ay unang beses pa lamang nilang nakakita ng mga ganitong pampasabog sa personal.

Dininig ang kanyang kaso noong ika-14 ng Enero (ilang araw bago isinagawa ang interbyung ito kung kaya hindi na naisama ang update sa nangyari sa hearing). Sa ngayon, isang dental examination ang inaasahang gawin kay Grego upang madetermina ang tunay n’yang edad. Tumanggi kasing magbigay ng kopya ng kanyang birth certificate ang munisipyo ng San Andres, Quezon.

“Bulok ang sistema; mga kabataan, hinuhuli. Gusto ko nang makalaya,” determinadong pagtatapos ni Grego.

illustrated by Jayven Q. Villamater

illustrated by Jayven Q. Villamater

Tulad ng nangyayari sa ‘tin ngayon sa labas ng kulungan, walang dudang hindi rin nalalayo ang sitwasyon natin sa mga poldet. “Ang nangyayari rito sa loob (kulungan) ay replekyon lang ng nangyayari sa labas,” sabi ni Jasminez nang ituloy namin ang kuwentuhan tungkol sa mga anomalyang nangyayari rin sa loob ng kulungan dahil tapos na ang interbyu. Totoo. Magkakaugnay ang lahat ng bagay. Pareho-pareho lang naman talaga tayong nakakulong at gustong makahulagpos sa kasalukuyang bulok na sistemang namamayani sa lipunan.

Magtatakipsilim na nang magpaalam kami sa kanila. Hinding-hindi man namin sila puwedeng isama, masaya pa rin naming nilisan ang mundo nila dahil bitbit namin ang malaya nilang diwa at isipan. Paalis na kami ng CBDT pero hindi pa rin ako tinatantanan ng mga totoong istoryang pumuga sa piitan. “Babalik talaga ako,” naisaloob ko na lang habang unti-unting nawawala sa mata ko ang kampong nasa magubat na lungsod.#

Palayain lahat ng bilanggong pulitikal!
itigil ang pampulitikang panunupil!
Pasismo ng estado, tutulan!

••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••
Published in Isuue 3 of  Balitang BondocPen on January 2014.
••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••

Leave a comment