“Sirang Plaka” na Pakikibaka: Rebyu ng Desaparesidos (Lualhati Bautista, 2007)


This was published in volume 2 of Genre (The Spark magazine) on February 2010

Lampas sa tatlumpong taon!

Maluwat na tayong nakahulagpos sa gapos ng Batas Militar ngunit hindi mapag-aalinlanganang nagdaranas pa rin ng mga salaulang eksperyensiya ang mga taong kung ituring ng mga abusadong sundalo ay mga “elementong subersibo ng lipunan.” Hanggang sa kasalukuyan, malaganap sa bansa ang mga taong biktima ng torture, enforced disappearances, salvage, extra-judicial killings, summary execution at kung anu-ano pa.

Paikot-ikot. Halos walang ipinagbago. Nagpalit lang ng panahon pero hindi ng senaryo. Patuloy na nagmumulto ang nakaraan.

Walang duda na sa ganitong mga pahayag pumapaimbulo ang Desaparesidos (Cacho Publishing House, 2007) ng kontemporaryong nobelista na si Lualhati Bautista, may-akda rin ng ng mga premyadong nobela sa Palanca tulad ng “‘Gapô”, “Dekada ’70”, at “Bata, Bata, Pa’no Ka Ginawa?

Kilala sa paglikha ng mga mapangahas at makabuluhang literatura, muling binulat ni Bautista ang pahina ng ating kasaysayang pumapaksa sa malagim na karanasan ng mga taong kasapi ng rebolusyunaryong kilusan noong panahon ng Martial Law. Itinampok dito ang istorya ni Anna at ang dalawampung taon niyang paghahanap sa anak niyang si Malaya. Ipinakilala rin ang mga markadong papel nina Roy, Karla, Jinky, Lorena, at Eman—mga taong kawing-kawing na naapektuhan ng magkakatulad at magkakataliwas na paniniwala at persepsyon nila sa buhay.

Matapat ang nobela. Walang takot na ibinuyangyang ng awtor ang mga garapal na salita, partikular na sa mga brutal na eksena gaya ng tortyur. Ito ang dahilan kung kaya ramdam ang bigat ng damdamin habang tumatakbo ang istorya. Makapigil-hininga at talagang hindi maiiwasang mapapikit ang mga mata dahil damang-dama ang nakahahambal na awra ng pambubusabos sa mga “mulat na indibidwal.”

Binigyang-daan din sa aklat ang detalye ng nakaraang diktadura. Ekselenteng isinalaysay sa dalawampung pahina ng libro (pp. 85-104) ang matamis at mapaklang relasyon ng Amerika at ni Marcos noon. Pinamagatan itong “Once in a fairy tale, o ang pag-iibigang Marcos-US” na nakalimbag sa pagitan ng ikasiyam at ikasampung kabanata. Dito, masusing tinilad-tilad ang mga kaganapan mula sa pag-upo hanggang sa pagbagsak ng rehimeng diktador.
Sa kaibuturan, masasabing binaybay ng nobela ang daang tumutumbok sa katotohanang nakasukob tayo sa iisang panahong kinabibilangan nina Anna: ang panahon kung saan paulit-ulit ang pagsuong sa trahedya ng pakikibaka. Gaya nga ng linya ni Roy sa nagpupuyos na anak niyang si Lorena, “Totoong mahal pa rin ang galunggong at wala pa ring makain ang mga nagtatanim ng bigas… At iyon mismo ang dahilan kaya patuloy ang pagtatanim ng mga pangarap…patuloy ang pagsusulong ng mga adhikain… Pero hindi isang lipunan ng mga desaparesido ang nalikha ng lahat ng pakikipaglaban…kundi isang magiting na kasaysayan.”

Ang nobela, bagama’t ilang taon nang pinaglipasan ang kuwento ay maiuugnay pa rin sa sitwasyon natin ngayon: paulit-ulit. Wari’y isang sirang plaka lang na umiikot ang mga pangyayari na walang katapusang  sumasalimbay sa pag-inog ng mapaglaro at marahas nating mundo.

Para sa isyung tumatalakay sa plagiarism diumano ukol sa pangongopya ng palabas na SIGWA (Joel Lamangan) sa nobelang DESAPARESIDOS (Lualhati Bautista), bisitahin lamang ang link na ito:

http://desaparesidos.i.ph/blogs/desaparesidos/2010/08/05/kinopya-ba-ang-desaparesidos-ng-sineng-sigwa-isang-liham-mula-kay-lualhati-bautista/

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s